Paglipat ng TVJ sa TV5 kinumpirma, mga segments ng Eat Bulaga bibitbitin sa bubuuing programa
Kinumpirma ni dating Senate President Vicente Sotto III ang pagpirma ng kontrata ng mga host ng long-time running noontime show Eat Bulaga sa Mediaquest Group.
Ito ay para sa paglipat ng kanilang programa sa TV5 matapos kumalas sa TAPE Inc. noong May 31 dahil sa pagharang na makapag-programa sila ng live sa GMA 7.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program Ano sa Palagay Nyo? (ASPN) sinabi ni Sotto na maraming network ang nag-alok sa kanila pero TV5 ang napili sa huli dahil sa mas malaking oportunidad para mapanood ang programa.
“Tinantya naming mabuti, pinag-aralan naming mabuti, kung alin yung mas makaka-reach kami ng marami. Yung Mediaquest kasi nung kinausap namin, until finally last night na nag-decide ang grupo, maraming platforms eh, hindi lang sila channel 5 eh, yun yung pinaka-analog nila pero meron silang digital… sister companies nila like CignalTV… daming paglabasan eh…” paliwanag ni Sotto.
“Lahat yun kinonsider namin, and the best choice was their [Mediaquest], and the best offer came from their,” paliwanag pa ni Tito Sen.
Sa ngayon ay naghahanda na ang binuong TVJ productions para sa kolaborasyon sa Mediaquest para sa programang ipapalabas sa TV5.
Hindi pa matukoy ni Sotto kung same timeslot dahil ipinapa-ubaya daw nila sa management ang pagpapasya lalo’t may isa pang noontime na umeere sa TV5, ang Showtime.
Target naman na makabalik sa ere ang TVJ at Dabarkads sa unang linggo ng Hulyo o sa lalong madaling panahon.
“The preparations are underway, we sealed the deal, ngayon ang napag-usapan muna namin the timeslot will be decided by management, we don’t have control right now. So they trust us with the content of the show kami naman ang bahala sa content, they trust us with the content. Ang target is first week of July, unless we can do it earlier pero most probably first week of July,” paliwanag pa ni Sotto.
Tiniyak nitong bitbit nila ang mga segments at trademark ng Eat Bulaga dahil sa paninindigang kanila ang pagmamay-ari nito.
May pinagbabatayan umano sila sa ilalim ng umiiral na batas.
“History and the law back us up, na ang ika nga eh, pagdating sa copyright, pagdating sa trademark kami yung may-ari, kami yung creators, in any copyright, musical compositions, any compositions, drawings, any works of arts, yung creators at the moment of creation are the owners at the time of creation, so 1979 Eat Bulaga inumpisahan namin as Eat Bulaga,” paliwanag pa ng dating mambabatas.
“Yung TAPE na nagke-claim, nag-file pa nga ng trademark nung 2011, never informed us that they did that, 1981 sila nung pumasok,” dagdag pa ni Sotto.
Ipinau-ubaya naman ni Sotto sa mga abugado ang mga usaping legal sa isyu ng copyright at rightful owner ng programa.
Sa ngayon ay pinutol na aniya ng Tito, Vic and Joey (TVJ) ang anumang ugnayan sa TAPE Inc. na pag-a-ari ng Pamilya Jalosjos matapos ang May 31 incident.
“Wala na, we have disengage completely,” dagdag pa ni Sotto.
Sa bagong tahanan, kinumpirma ni Sotto na kumpleto pa rin ang Dabarkads kasama sina Jose Manalo, Wally Bayola, Maine Mendoza, Ryan Agoncillo, Paolo Ballesteros at Ryza Mae Dizon.
May mga bagong konsepto ng segments din daw silang ipapalabas na mas magiging kasiya-siya sa mga manonood.
Nagpasalamat naman si Sotto sa mga supporters at advertisers ng Eat Bulaga na sasama sa kanila sa bagong tahanan.
Nagpasalamat din si Sotto sa NET25 kung saan may kani-kaniya silang programa nina Vic Sotto – ang Love, Bosleng and Tali, at Joey de Leon na host naman ng programang Oh No! It’s Biro Only.
Si Sotto ay host din ng NET25 show na Reality Check.
“On behalf of Vic and Joey and the rest, kami po ay nagpapasalamat ng taos-puso sa NET 25 sapagkat napakaganda rin ng ipinahatid na message sa akin ng management, maraming-marami pong pasasalamat sa inyong pagtitiwala at kami naman po ay hindi humihiwalay sa inyo as far as our programs are concerned, maraming maraming salamat po NET25,” pagtatapos ni Tito Sen.
Weng dela Fuente