Pagmimina sa Zambales, papayagan pa rin pero mahigpit na ipatutupad ang Mining policy operation
Papayagan pa rin ang mga Mining activities sa Zambales ngunit dapat sumunod sa ipinatutupad na mining policy operation.
Ayon kay Governor Amor Deloso, para sa Zambales na itinuturing na most mineral life province sa buong bansa na may 17 mining sites ay hindi nila maaaring ipagbawal ang mining activities dahil isa ito sa magbibigay ng kita sa bawat bayan.
Magkagayunman, alinsunod na rin sa direktiba sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang sinumang nagnanais magmina sa Zambales ay kailangang doon na magtayo ng pabrika, doon na rin ipundar ang mga raw materials upang makatulong sa ekonomiya ng lalawigan at pagkakaroon pa ng hanapbuhay ng mga residente.
Mahigpit na ring ipagbabawal sa lalawigan ang paghahakot at paghuhukay na nakasisira lamang sa kalikasan.
Paliwanag ni Deloso, sa loob kasi ng halos 90 taong pagmimina sa Zambales ay walang napupuntang revenue o kita sa kanila.
“Importante kasi dito responsible mining, hindi ka pwedeng sumira ng iba. Matagal ng may nagmimina sa Zambales pero walang tamang agenda sa pagmimina. Gusto ko kung may magmimina dito ay para sa kapakanan ng maraming tao”.