Pagnanakaw at iba pang uri ng krimen, tumaas sa ilang lugar na isinailalim sa Alert Level 1 – DILG
Tumaas ang ilang uri ng krimen partikular ang pagnanakaw matapos isailalim sa Alert Level 1 ang ilang lugar sa bansa.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, maaaring nagbunsod ng pagtaas ng antas ng krimen ay ang pagluluwag sa ilang restriksyon at paglabas muli ng maraming tao dahil sa pagbaba ng Covid-19 cases.
Tinukoy ni Año na dumami ang serye ng mga nakawan at pandurukot sa mga lugar na dinarayo ng mga tao gaya ng mga mall at palengke.
Dahil dito, hinimok ng kalihim ang publiko na maging maingat at manatiling alerto sa kapaligiran lalu na kung magtutungo sa mga matataong lugar at business establishments.
Maliban sa pagnanakaw, kabilang sa 8 focus crimes ay ang murder, homicide, physical injury, rape, robbery, at pagnanakaw ng mga sasakyan at motorsiklo.
Nauna nang iniulat ng Philippine National Police na bumaba ng 17% ang antas ng krimen sa bansa mula Nobyembre 2021 hanggang Enero 2022.
Ito ay dahil sa ipinatupad na quarantine restrictions dahil sa banta ng Covid-19.
Kasabay nito, sinabi ni Año na nagpalabas na sila ng advisory sa mga lokal na pamahalaan na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng publiko lalu na ngayong mahaba-habang bakasyon sa kalagitnaan ng Abril.
Sabi naman ng PNP na naka-heightened alert na ang kanilang operasyon sa pagsisimula pa lamang ng dry season sa bansa sa pamamagitan ng kanilang “Oplan Ligtas SUMVAC 2022” maliban pa sa nagpapatuloy na pagbabantay sa umiiral na election gun ban.