Pagpapabilis ng delivery ng Moderna vaccine sa Pilipinas, hiniling ni Senador Pacquiao sa Estados Unidos
Nakiusap na si Senador Manny Pacquiao kay United States President Joe Biden na pabilisin ang pagpapalabas ng 20 milyong doses ng Moderna vaccine na binili ng Pilipinas.
Sa kaniyang sulat sa pamamagitan ni Charge d’ Affaires John Law, sinabi ni Pacquio na matindi ang pangangailangan ng Pilipinas sa bakuna sa harap ng pinangangambahang health crisis dahil sa pagtaas ng kaso ng Covid-19.
Sinabi Pacquaio na hiniling niya na kahit kalahati ng suplay ay madala na sa Pilipinas para masimulan na ang vaccination rollout sa mga ordinaryong mamamayan.
Nababagalan aniya kasi siya sa aksyon ng pamahalaan lalo na ngayong patuloy pa ang pagtaas ng kaso ng Covid-19.
Senador Manny Pacquiao:
“Di naman sa inuunahan ko ang ating Pangulo, ginagawa natin lahat ng ating tulong para sa mga kababayan, credit di ko kailangan yan, ang kailangan natin immediate response sa problema dumarami ang Covid cases sa bansa natin dapat magtulungan tayo gawin natin ang dapat nating makaya na di na natin iaannounce pa sa media. Sarili nating effort na magtrabaho para makatulong sa bansa”.
Nakausap niya na umano si Philippine Ambassador to US Jose Romuladez at nangakong makikipag-ugnayan sa tanggapan ni President Biden para matanggap na ng Pilipinas ang bakuna.
Hindi rin inaalis ng Senador ang posibilidad na personal na tawagan si President Biden para mapabilis ang pagdating ng bakuna.
Ang first batch ng Moderna ay inaasahang darating na sa Hunyo ng taong ito.
Senador Pacquaio:
“Medyo, prangka ako magsalita, nababagalan ako sa pagdeliver ng vaccine, sa ibang bansa massive na vaccination at kinausap natin si Amb. Romualdez na tinutulugan din tayo maaccommodate concern natin pati letter natin sa White House, maaccommodate sulat natin kay Pres. Biden”.
Meanne Corvera