Pagpapadala ng mga OFW sa Japan, suspendido pa rin
Suspendido pa rin ang deployment ng mga Pinoy workers sa Japan.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Philippine Ambassador in Tokyo Jose Laurel V., dahil sa Pandemya ay hindi pa pinapayagang magbiyahe patungo doon ang mga dayuhan mula sa 158 mga bansa.
Pero hindi kabilang dito ang mga nasa Diplomatic service o may special permission travel.
Sa ngayon, isinailalim sa State of Emergency ang Tokyo, Osaka, Hokkaido, Aichi, Kyoto, Hyogo, Okayama, Hiroshima, Fukuoka, at Okinawa dahil sa mataas pa ring kaso ng Covid-19.
Gayunman, sinabi ng Filipino envoy na mababa naman ang bilang ng mga Pinoy sa Japan na tinatamaan ng Covid-19 na naitala sa 56 confirmed cases.
Isang Pinoy aniya ang namatay sa virus infection sa Tokyo, at 2 ang kasalukuyang ginagamot.