Pagpapakawala ng tubig mula sa Fukushima nuclear plant sinuspinde ng Japan pagkatapos ng 5.8-magnitude na lindol
Sinuspinde ng Japan ang pagpapakawala ng wastewater mula sa Fukushima nuclear plant kasunod ng isang lindol ayon sa operator nito, at binigyang-diin na ang hakbang ay bilang pag-iingat.
Sinabi ng Japan Meteorological Agency, na isang 5.8-magnitude na lindol ang tumama sa baybayin ng northeastern Fukushima region, tahanan ng plantang sinira ng 2011 tsunami, bandang 00:14 am ngayong Biyernes (1514 GMT Thursday).
Sa kanilang post sa X (dating Twitter) na tumutukoy sa proseso ng pagpapakawala ng tubig ay sinabi ng Tokyo Electric Power Company (TEPCO), “We have confirmed remotely that there were no abnormalities on ALPS treated water dilution/discharge facility, etc., but ‘to be on the safe side, we have suspended the operations of the facilities’ in accordance with the pre-defined operational procedures.”
Ilang sandali matapos ang lindol ay sinabi rin ng nuclear regulatory authority ng Japan, na walang na-detect a abnormalidad kapwa sa Fukushima Daiichi plant, o sa Fukushima Daini.
Noong Agosto ay sinimulan ng TEPCO ang pagpapakawala ng wastewater na humigit-kumulang ay singdami ng 540 Olympic swimming pool sa dagat Pasipiko, na nakolekta sa Fukushima mula nang mangyari ang 2011 accident, na isa sa pinakagrabeng nuclear disasters sa mundo.
Ang operasyon ay inendorso ng UN atomic agency, at sinabi ng TEPCO na sinasala naman ang lahat ng radioactive elements maliban sa tritium, na ang levels ay nasa safe limits.
Subalit binatikos ito ng China at Russia, at ipinagbawal ang pag-aangkat ng Japanese seafoods, sa pagsasabing “Japan is polluting the environment.”
Ang Japan ay nakararanas ng daan-daang lindol bawat taon at karamihan dito ay hindi naman nagdudulot ng pinsala.
Wala pang agad na mga ulat ng nasaktan mula sa pinakabagong lindol at wala ring tsunami warning.