Pagpapalabas ng ‘Dune: Part Two,’ maaantala
Maaantala ang pagpapalabas sa Dune: Part Two. Ayon sa Warner Bros., mula sa dating Oct. 20, 2023 ay sa November 17, 2023 na nila ipalalabas ang sequel ng Denis Villeneuve adaptation ng Dune, na nobelang akda ni Frank Herbert.
Dahil dito, ay makakasabay na ng Dune: Part Two sa pagbubukas sa mga teatro ang Hunger Games prequel ng Lionsgate na The Ballad of Songbirds and Snakes.
Sinabi pa ng Warner Bros., na ang isang wala pang pamagat na pelikulang Godzilla vs. Kong ay ipalalabas naman sa March 15, 2024.
Ang Dune ni Villeneuve ay nagbukas noong November 2021 at siyang naging highest-grossing title sa ilalim ng Warner Bros. 2021 theatrical-and-HBO Max release model, na kumita ng $400 million.
Ang pelikula ay na-nominate para sa 10 Academy Awards at nanalo ng anim, kabilang ang Best Cinematography, Best Visual Effects at Best Original Score.
Inaasahan namang magbabalik para sa Dune: Part Two na nagsimula ng produksiyon sa Budapest, sina Timothée Chalamet, Rebecca Ferguson, Zendaya, Javier Bardern at Josh Brolinare kasama nina Léa Seydoux, Florence Pugh, Christopher Walker at Austin Butler.