Pagpapalabas ng Black Widow, ipinagpaliban ng Disney
LOS ANGELES, United States (AFP) – Ipinagpaliban ng Disney ang “Black Widow” at maraming iba pang superhero films at animations.
Ang “Black Widow” na kinatatampukan ni Scarlett Johansson, ang sinasabing magiging major spring release, para panghikayat sa fans na bumalik sa movie theaters na pinayagan nang muling magbukas sa limitadong kapasidad sa Los Angeles nitong nakalipas na linggo, at maging sa New York.
Ipalalabas ito sa July 9 – atrasado ng dalawang buwan kaysa inaasahan – at tuloy-tuloy din na magiging available sa Disney+ streaming platform para sa home viewers, pero may dagdag nang singil sa subscribers.
Ayon sa Disney, na nagiging prioritize na ang streaming at nag-eksperimento sa pamamagitan ng iba’t-ibang release models sa panahon ng pandemya, ang hakbang ay sumasalamin sa nagbabagong preperensya ng mga manonood, sa isang merkado na nagsisimula nang makarekober mula sa pandaigdigang pandemya.
Dagdag pa ni Kareem Daniel, distribution chairman . . . “We will continue to employ the best options to deliver The Walt Disney Company’s unparalleled storytelling to fans and families around the world.”
Dagok naman sa theatre chains ang balita, na malaki ang naging kalugihan matapos magsara, isang taon na ang nakalilipas.
Ang Italy-inspired animation “Luca” ng Pixar ay sa Disney+ na lalabas simula sa June 18, habang ang live-action “Cruella” na kinatatampukan ni Emma Stone ay ipalalabas kapwa sa big and small screens mula May 28.
Ang “Black Widow” ay orihinal na ipalalabas sana noong May 2020, bago nagkaroon ng pandemya. At ang pinakabagong pagkaantala sa pagpapalabas nito ay nangangahulugan na isa pang pelikula sa record-breaking Marvel franchise –ang “Shang-Chi and the Legend of the Ten Rings” – ay ipagpapaliban din sa September.
Ang “domino effect” ay malamang na makaapekto sa major releases mula sa iba pang Hollywood studios.
Sa kabila ng muling pagbubukas ng mga movie house sa Los Angeles, nagbabala ang weekend industry watcher na Exhibitor Relations, na mabagal pa rin ang magiging kitaan sa box office.
Ang North America top-ranking film – ang “Raya and the Last Dragon”ng Disney ay kumita lamang ng $5.1 million.
Subalit may maganda pa rin namang balita para sa theaters, ito’y matapos makipagkasundo ang Cineworld — operator ng second-largest chain ng North America na Regal – sa Warner Bros para ekslusibong ipalabas sa big screen ang kanilang mga pelikula para sa isang 45-day “screening” sa susunod na taon.
Matatandaan na ginalit ng Warner Bros ang theater operators at mga prominenteng Hollywood filmmaker, nang inanunsyo nito na lahat ng pelikula sa taong ito ay magiging available lamang sa sarili nilang HBO Max streaming service mula day one.
© Agence France-Presse