Pagpapalabas sa ‘Dune: Part Two’ iniatras sa 2024 dahil sa nagpapatuloy na Hollywood strikes
Iniatras ng Warner Bros. ang inaabangang pagpapalabas ng sci-fi sequel na “Dune: Part Two” hanggang sa susunod na taon at ipinagpaliban din ang dalawa pang pelikula — isa sa pinakamalaking pagbabago sa kalendaryo ng pelikula sa gitna ng patuloy na welga ng mga aktor at manunulat.
Kinumpirma ng studio na ang “Dune: Part Two” — orihinal na naka-iskedyul na mag-premiere sa Nobyembre 3 — ay sa Marso 15, 2024 na magbubukas, at ang monster showdown na “Godzilla x Kong: The New Empire” ay magde-debut sa Abril 2024, hindi sa Marso. Ang dalawang pelikula ay kapwa co-produced ng Legendary Entertainment.
Ipinagpaliban din ng Warner ang pagpapalabas ng kanilang animated film na “The Lord of the Rings: The War of the Rohirrim” sa December 2024 mula sa dating April.
Ang balita ng pagbabago ng mga schedule ay inanunsiyo sa gitna ng nagpapatuloy na welga ng Writers Guild of America (WGA) at ng Screen Actors Guild (SAG-AFTRA).
Sa ilalim ng mga tuntunin ng welga, hindi maaaring mag-shooting o mag-promote ang mga aktor ng anumang mga pelikulang nauugnay sa mga pangunahing studio o streaming platform ng Hollywood — ibig sabihin ay hindi magiging bahagi ng marketing campaign ng “Dune 2” ang mga bituin nito na sina Zendaya at Timothee Chalamet.
Samantala, ang “Challengers” — isang tennis love triangle drama na pinagbibidahan din ni Zendaya, na may higit sa 180 milyong followers sa Instagram — ay tinanggal mula sa nakatakdang premiere nito sa Venice Film Festival at iniatras sa Abril 2024.
Ang “Dune: Part Two” ay malawak na inaasahang magiging isang pangunahing pambato para sa Oscars sa susunod na taon. Ang unang yugto sa bagong adaptasyon ni Denis Villeneuve ng epic science-fiction na nobela ni Frank Herbert ay nanalo na ng anim na Academy Awards mula sa 10 nominasyon nito.
Ngunit ang pagpapalabas nito sa Marso ay maaaring makahadlang sa mga tyansa nito, dahil maraming Oscar favorites ang inilalabas nang malapit sa katapusan ng bawat taon, kayat nalalagay ang mga ito sa unahan at sentro para sa sa mga botante ng Academy.
Noong Hulyo, iniatras ng Sony Pictures ang dalawa sa kanilang major 2023 releases sa 2024, isa na rito ang “Ghostbusters” at ang comic book adaptation na “Kraven the Hunter.”
Ipinagpaliban din nito ang animated na “Spider-Man: Beyond the Spider Verse” — ang panghuli sa isang “critically acclaimed trilogy,” na naka-iskedyul para sa Marso 2024. Wala pang bagong petsa na ibinigay.