Pagpapalusot ng umano’y Chinese-looking sa NAIA bago si Cong. Bertis, itinanggi ng MIAA, paglabas ng CCTV footage, iniimbestigahan na
Naglabas na ng panibagong video ang Office of Transportation Security (OTS) ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan ipinakita ang naging komprontasyon sa pagitan nina ACTS-OFW Partylist representative John Bertis at isang security sa paliparan.
Ayon kay Col. Roberto Bernal, OIC for Screening and Surveillance Department, na ang video ay taliwas sa pahayag ni Bertis na hindi raw pinagtanggal ng sapatos at iniskortan pa ng mga personnel ng NAIA ang mga Chinese looking nationals.
Nakunan na aniya ng pahayag ang security personnel na si Abdul Hamilton at walang dahilan para sibakin o papanagutin ito dahil ginawa lang ang kaniyang trabaho.
Nauna nang sinabi ni Bertis na inislice umano ng OTS ang video dahil hindi ipinakita ang hindi umano pagtatanggal ng sapatos ng ilang dayuhan.
Sabi rin ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal, nireview nila kaninang umaga ang lahat ng surveillance camera pero wala silang nakitang paglabag sa security protocol gaya ng alegasyon ng Kongresista.
Kinumpirma ni Monreal na sila ang nag-isyu ng ID kay Bertis gaya ng ibinibigay sa iba pang Government officials.
Pero hindi aniya ito dapat gamiting passes para mabigyan ng VIP Treatment o mag-breach sa Security protocol sa paliparan.
Iginit ng MIAA na mahalaga ang security check gaya ng pagtatanggal ng sapatos dahil nagagamit ito para magpuslit ng droga, bomba o iligal na kargamento.
Hindi rin aniya lahat ng naisyuhan ng ID ay binibigyan ng VIP treatment.
Sa ngayon iniimbestigahan na aniya nila kung sino ang naglabas ng CCTV footage na nag-viral at umani ng matinding batikos sa publiko.
Ipauubaya na rin daw nila sa legsilative body ang pag iimbestiga sa maling inasal ng Kongresista.
Ulat ni Meanne Corvera