Pagpapatalsik kay Senador Pacquiao sa PDP-Laban asahan- Senador Drilon
Ang oposisyon umano ang makikinabang sa eleksyon sa a 2022 sakaling hindi maayos ang gusot sa pagitan ng mga lider ng ruling party na PDP – Laban.
Sa harap ito ng girian sa pagitan nina Pangulong Duterte at Senator Manny Pacquiao sa isyu ng kurapsyon sa kasalukuyang administrasyon.
Nauna nang kumasa si Pacquiao sa hamon ng Pangulo na pangalanan at maglabas ng ebidensya sa mga tanggapan ng gobyerno na umanoy may nangyayaring katiwalian.
Ayon kay Drilon, asahan nang mapapatalsik si Pacquiao sa susunod na buwan bilang acting president ng partido oras na maisagawa ang national assembly sa July 17.
Hindi na rin aniya nakapagtatakang mahahati ang partido at mauulit lang ang nangyari sa kasayasayan ng partidong laban ng demokratikong pilipino noon.
Tinukoy ni Drilon ang desisyon sa National convention ng LDP na isabak ang party president noon na si Ramon Mitra bilang pambato sa presidential elections noong 1992 dahilan kaya nag aklas si dating Pangulong Fidel Ramos at bumuo ng sariling partido na Lakas ng Tao.
Nakipag- alyansa naman ang partido nito sa National Union of Christian Democrats na tinawag na Lakas-NUCD.
Sinabi ni Drilon natural na nangyayari ito sa mga partido sa pilipinas dahil sa multi party system.
Katunayan marami rin ang kumalas sa liberal party matapos ang termino ni dating Pangulong Benigno Aquino.
Pero unti-unti na aniyang nagpapalakas ngayon ang partido liberal para paghandaan ang eleksyon sa susunod na taon.
Sa tanong kung isa si Pacquiao sa maari nilang piliing pambato, mas nakafocus aniya sila ngayon na itulak si Vice President Leni Robredo na maging standard bearer.
Sa ngayon wala pa raw silang napipisil kung sino talaga ang isasabak sa pampanguluhang eleksyon.
Nauna nang sinabi ni LP President Francis Pangilinan na nakikipagdayalogo sila kina Senador Ping Lacson, Nancy Binay at Manila mayor Isko Moreno na ikinukunsidera ng maging standard brearer.
Payo naman ni Senador Ping Lacson, dapat resolbahin na lang ang isyu sa loob ng partido.
Nakakalungkot aniya na tila mauuwi sa hiwalayan ang magkaibigang sina Pangulong Duterte at Pacquiao.
Apila ni Senator Aquilino Koko pimentel sa mga kapartido, tahimik na resolbahin ang isyu.
Pagsasayang lang aniya ng oras at hindi naman matatapos ang debate kung mayroon ba o walng kurapsyon sa gobyerno.
Meanne Corvera