Pagpapatayo ng Cold storage facilities sa bansa, dapat maging isa sa prayoridad ayon sa isang health group
Umapila ang Medical Action Group sa liderato ng Kamara na ilaan na lamang sa pagpapatayo ng cold storage facilities para sa COVID-19 vaccines ang bilyong infrastructure funds na isiningit sa 2021 national budget.
Giit ni Medical Action Group Chairperson Dr. Nemuel Fajutagana mas nangangailangan ng pondo ang COVID response ng pamahalaan na syang prayoridad muna dapat kaysa infrastracture projects.
Ang cold storage facilities ay lugar kung saan maaaring maimbak ang mga bakuna upang hindi ito masira pagdating sa mga komunidad.
Ayon sa DOH, 3 bilyong piso ang kakailanganin para sa -70 degrees Celsius storage requirement sa COVID vaccine.
Sa kasalukuyan ang pasilidad lamang umano na mayroon sa bansa ay 8 degree hanggang -20 degree Celsius, malayo sa requirement na kailangan para sa COVID vaccine.
Matatandaan na sa naging paghimay ng Senado sa 2021 budget ng DOH ay nakita na walang nakapaloob na budget para sa cold storage facility at sa iba pang supply chain-related costs para sa bakuna.
Maliban sa Medical Health Group ay una na ding nanawagan ang grupong Infrawatch PH sa Senado na harangin ang infrastructure allocations ng lahat ng mga congressional districts.
Sa halip iginiit nila na mailaan sa mas mahahalagang programa ang pondo gaya sa disaster at COVID 19 response.
Madz Moratillo