Pagpapatupad ng compulsory vaccination laban sa COVID-19 kailangan ang batas mula sa kongreso – Malakanyang
Hindi ma-oobliga ng pamahalaan ang publiko na magpabakuna kung walang batas na pagtitibayin mula sa kongreso.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque matapos ulitin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang regular weekly Talk to the People ang banta sa publiko na gagamitin ang police power ng estado upang pilitin na magpabakuna ang mga mamamayan na ayaw magpabakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Roque kapag karapatan ng tao ang nakasalalay sa isang hakbang ng gobyerno ay kailangan ang batas.
Sinabi ni Roque bagamat katutubong kapangyarihan ng estado ang police power ito ay tumutukoy lamang sa pagmimintina ng peace and order at hindi nito saklaw ang desisyon ng bawat indibiduwal na may kaugnayan sa kapakanang pansarili.
Batay sa report marami paring mamamayan lalo na sa malalayong lugar ng bansa ang ayaw magpabakuna dahil naniniwala ang mga ito sa mga fake news na lumalabas kaugnay sa sinasabing masamang epekto ng anti COVID-19 vaccine.
Vic Somintac