Pagpapawalang-sala sa mga dating boss ng operator ng Fukushima, pinanindigan ng mataas na hukuman
Pinanindigan ng Mataas na Hukuman ng Tokyo ngayong Miyerkoles, ang pagpapawalang-sala sa tatlong dating executive mula sa operator ng Fukushima nuclear plant, kung saan inulit na walang nagawang professional negligence ang mga ito kaugnay ng 2011 disaster.
Ang desisyon ay inihayag ng mga aktibistang sumusuporta na maparusahan ang tatlong nabanggit, kasunod ng appeal hearing sa nag-iisang criminal trial na bumangon mula sa pinakamalalang nuclear accident mula nang mangyari ang sa Chernobyl.
Tumanggi naman ang korte na magkomento sa hatol habang nagpapatuloy ang sesyon.
Isang napakalaking tsunami ang tumama sa planta ng Fukushima Daiichi sa hilagang-silangan na baybayin ng Japan noong Marso 2011, pagkatapos ng 9.0-magnitude na lindol sa ilalim ng dagat, ang pinakamalakas na naitala sa kasaysayan ng bansa.
Ang tsunami ay nag-iwan ng 18,500 kataong patay o nawawala, ngunit walang naitalang direktang namatay sanhi ng nuclear accident, na nagbunsod ng puwersahang paglikas at naging sanhi upang ang ilang bahagi ng mga nakapaligid na lugar ay hindi na maaaring tirhan.
Pinagtibay ng desisyon ngayong Miyerkules, ang hatol na non-guilty noong Setyembre 2019 para sa mga dating boss mula sa Tokyo Electric Power Company (TEPCO).
Ang tatlong lalaki ay mahaharap sa hanggang limang taong pagkakabilanggo kung napatunayang nagkasala, na inakusahang may pananagutan sa pagkamatay ng higit sa 40 mga pasyenteng naospital na kinailangang ilikas kasunod ng nuclear disaster.
Ngunit sinabi ng Tokyo District Court noong 2019, na hindi naman maaaring mahulaan ng mga akusado ang laki ng tsunami na nagdulot ng sakuna, isang desisyon na pinagtibay ng Mataas na Hukuman.
Ngunit ang kasong kriminal ay naging mainit, makaraan ang isang bukod na “landmark verdict” noong Hulyo sa isang kasong sibil na kinasasangkutan din ng tatlong nabanggit na lalaki at isa pang dating executive.
Ang apat ay inatasang magbayad ng tumataginting na 13.32 trillion yen ($101 billion sa rate ngayon) para sa kabiguang pigilan ang naturang sakuna.
Sinabi ng mga abogado na ang napakalaking halaga ng kompensasyon ay pinaniniwalaan na siyang pinakamalaking halaga na ipinataw sa isang kasong sibil sa Japan, bagama’t inamin nila na iyon ay simboliko, dahil ang halaga ay higit sa kayang bayaran ng mga nasasakdal.
© Agence France-Presse