Pagpatay sa accountant ng Davao Prison and Penal Colony, kinondena ng BuCor
Kinondena ni Bureau of Corrections Director General Benjamin delos Santos ang pagpaslang sa accountant ng Davao Prison and Penal Colony kahapon.
Patungo sa Mabini, Compostela Valley para sa family outing ang biktima na si James Taping Davide, sisentay-tres anyos nang pagbabarilin ng dalawang salarin na nakasakay sa motorsiklo.
Ayon kay delos Santos, si Davide ang pangalawang tauhan niya sa BuCor na pinaslang sa Tagum.
Ang una aniya ay ang pagpatay noong Pebrero sa prison guard at whistleblower sa anomalya at prostistusyon sa bilibid na si Kabungsuan Makilala.
Sinabi pa ni delos Santos na mayroon pang dalawang pinaslang sa Tagum.
Batay aniya sa intelligence sources, may mga makapangyarihang tao sa Tagum ang protektor ng mga hired assasin doon.
Kinasuhan na ang dalawang suspek sa pagpaslang kay Makilala pero hindi pa rin tukoy ng NBI at PNP ang mga utak sa krimen.
Ulat ni: Moira Encina