Pagpatay sa mga sundalo sa Jolo, Sulu, sinadya, pero mga pulis na bumaril hindi pa maaaring ipakulong
Sinadya ang ginawang pagpatay sa apat na opisyal ng Armed Forces of the Philippines sa Jolo, Sulu.
Ito ang kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
Katunayan, sinabi ni Atty. Zulikha Marie Degamo, death investigator ng NBI,nasa strategic na posisyon ang mga pulis at talagang inabangan ang mga sundalo.
Pababa pa lang aniya ng kanilang service patrol vehicle, isa sa mga pulis ang pumosisyon sa kanang bahagi, 2 sa kaliwa habang ang iba ay nakapa-ikot sa montero sa sasakyan ng mga sundalo.
Isa sa kanila ang nagbukas ng likurang bahagi ng pintuan ng sasakyan at pinaputukan ang mga sundalo habang ang isa ang bumaril kay Major Marvin Indammog.
Sinabi ni Degamo na apat sa siyam na pulis ang mag-match sa mga bala na nakuha sa crime scene at sa katawan ni Indammog.
Bagamat may malinaw na ebidensya laban sa mga pulis, iginiit ni PNP Chief Police General Archie Gamboa na hindi pa sila maaaring arestuhin at ipakulong.
Hindi pa kasi pormal na nasasampahan ng kaso sa Kote at wala pang Warrant of Arrest laban sa mga pulis.
Ulat ni Meanne Corvera