Pagrepaso sa kaso ng mga preso paiigtingin para sa parole, clemency – BPP
Paiigtingin ng Board of Pardons and Parole (BPP) ang pag-repaso sa mga rekord ng mga inmate na maaari nang mapalaya sa pamamagitan ng parole at executive clemency.
Sinabi ni BPP Chairman Sergio Calizo Jr., na sa Mayo ay nakatakdang bumisita ang BPP sa Leyte Regional Prison (LRP) para magsagawa ng face-to-face interview sa mga preso doon para sa posibleng parole at executive clemency.
Aabot aniya sa 3,500 persons deprived of liberty (PDLs) ang una na nilang nainterbyu mula sa San Ramon Prison and Penal Farm, Iwahig Prison and Penal Farm, Sablayan Prison and Penal Farm at Correctional Institution for Women.
Una na ring bumisita ang BPP sa mga provincial jail ng Bulacan, Pampanga, Pangasinan at Tarlac.
Siniguro ng opisyal na tuluy-tuloy ang kanilang jail visitation at panayam sa mga PDL bilang bahagi ng pag-decongest sa mga piitan.
Aniya, simbolo ng pag-asa ng PDL ang BPP dahil ito ang ahensya ng gobyerno na tanging puwedeng magrekomenda sa Presidente ng mga preso na maaaring bigyan ng parole at clemency.
Moira Encina