Pagsabog ng isang bus sa Kabul na ikinasawi ng pito katao, inako ng IS
Pito katao ang nasawi at dalawampung iba pa ang nasaktan nang sumabog ang isang bus sa Kabul, kapitolyo ng Afghanistan.
Sinabi ni Kabul police spokesman Khalid Zadran, na nangyari ang pagsabog sa Dasht-e-Barchi neighbourhood ng Kabul, isang enclave na kinaroroonan ng ‘historically oppressed’ Shiite Hazara community.
Kalaunan ay inako ng Islamic State (IS) group ang nangyaring pagsabog, na ikalawang beses na, na ang tinarget nila ay isang Shiite neighborhood sa loob lamang ng ilang linggo.
Sa kaniyang post sa social media ay sinabi ni Zadran, “An explosion occurred in a bus carrying civilian passengers in the Dasht-e-Barchi area of Kabul, unfortunately seven of our compatriots were martyred and 20 others were injured.”
Kalaunan ay inanunsiyo ng IS-affiliated news outlet na Amaq, na pinasabog ng kanilang fighters ang isang explosive device sa isang bus na may lulang Shiites sa west Kabul, ayon sa SITE Intelligence Group.
Noong huling bahagi ng Oktubre, ay inako rin ng grupo ang pagpapasabog sa isang sports club sa kaparehong lugar.
Sinabi ng Taliban authorities, na apat katao ang namatay at pito ang nasaktan sa nasabing pagsabog.
Malaki ang ibinaba ng pagpapasabog ng bomba at suicide attacks, mula nang tapusin ng Taliban ang kanilang insurhensiya pagkatapos maagaw ang kapangyarihan sa gobyernong suportado ng US noong August 2021.
Gayunman, ang bilang ng mga armadong grupo, kabilang ang regional chapter ng IS ay namamalaging isang banta.