Pagsasampa ng reklamo ng CIDG laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, walang basbas ng Malakanyang

CIDG Director Maj. Gen. Nicolas Torre III
Sariling aksyon at pasya ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), ang pagsasampa nila ng mga reklamo laban kay dating Pangulong Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay ito sa naging pahayag ng dating pangulo sa pagpatay sa 15 senador upang makapasok ang kanilang senatorial candidate.
Ayon kay CIDG Director Maj. Gen. Nicolas Torre III, walang basbas mula sa Malakanyang ang pagsasampa nila ng reklamong inciting to sedition at unlawful utterances laban sa dating Pangulo.
Sinabi ni Torre, na bagaman itinuring ng ilan na biro lang ang gagawing pagpapatay sa 15 senador, posible kasing makahikayat ito ng negatibong aksyon mula sa kanyang mga taga-suporta.
Paliwanag ng CIDG Chief, “pure law enforcement” ang kanilang ginawa dahil nakakita sila ng violations.
Hindi na rin umano nila kailangan na hintayin pang may lumapit sa kanilang senador para gawin ito.
Giit ni Torre, dapat mapanagot si Duterte sa kanyang mga sinasabi.
Inihalimbawa pa ng opisyal ang war on drugs, kung saan marami ang napatay at sinabi ni Duterte na sya ang mananagot pero sa huli ay naiwan sa kaso ang mga pulis.
Mar Gabriel