Pagsasara ng borders hindi dapat gawin sa gitna ng monkeypox outbreak
Sinabi ni Dr. Ted Herbosa, medical adviser ng National Task Force Against COVID-19, na hindi dapat magsara ng borders ang gobyerno sa gitna ng pagkalat ng monkeypox sa ibang bansa, dahil hindi naman aniya ito nakahahawa gaya ng COVID-19 at ang pagsasara ng borders ay may malaking epekto sa ekonomiya ng bnasa.
Sinabi ng World Health Organization (WHO), na ilang kaso ng monkeypox, isang sakit na endemic sa Africa, ang nakita sa North America at Europe noong unang bahagi ng Mayo. Walompung kaso ang nakumpirma sa 11 bansa, at may 50 pang pinaghihinalaang kaso.
Sinabi ni Herbosa na . . . “Bilang tagapayo [sa NTF laban sa COVID-19], hindi ko irerekomenda ang pagsasara ng ating mga hangganan dahil lang may mga naiulat na kaso.”
Ipinaliwanag niya na ang monkeypox, isang virus na nalilipat sa mga tao mula sa mga hayop, ay hindi masyadong nakahahawa gaya ng COVID-19 na nasa hangin o airborne. Sinabi ng mga lokal na awtoridad sa kalusugan na ang monkeypox ay maaaring maipasa sa mga tao sa pamamagitan ng close contact sa sugat, body fluids o respiratory droplets ng infected na tao o hayop, o kontaminadong mga bagay.
Sinabi pa ni Herbosa na hindi siya pabor na agad isara ang mga hangganan, dahil magkakaroon ito ng malaking epekto sa ekonomiya ng Pilipinas, turismo at supply chain ng mga produkto at serbisyo.
Ipinahiwatig niya na ang paghahanap ng isng bakuna para sa monkeypox ay maaaring tumagal ng mas maikling panahon kumpara sa oras na ginugol ng mga siyentipiko upang bumuo ng COVID-19 vaccines.
Aniya, ang monkeypox ay nasa parehong pamilya ng bulutong, kung saan may nabuo nang bakuna.
Ayon kay Herbosa . . . “Maaari tayong gumawa ng bakuna na mabisa laban sa monkeypox. Ang mga bansang may mga laboratoryo na may hawak na frozen samples ng smallpox virus ay maaari talagang gumawa ng mga kinakailangang bakuna [laban sa monkeypox].”
Bagama’t wala pang nade-detect na kaso ng monkeypox sa Pilipinas, sinabi ng health department nitong Biyernes na pinaiigting nito ang border screening at aktibong minomonitor ang mga development.
Hinimok din ng ahensiya ang lahat na gawin ang minimum public health standards para maiwasan ang transmission ng monkeypox. Ang publiko ay pinapayuhan na:
- Magsuot ng face mask
- Siguruhing maayos ang daloy ng hangin
- Panatilihing malinis ang mga kamay
- Obserbahan ang social distancing
Ang mga sintomas ng monkeypox ay kinabibilangan ng lagnat, rashes at pamamaga ng lymph nodes.
Sinabi ng Kagawaran ng Kalusugan na ang monkeypox ay maaaring kahawig ng bulutong, ngunit ang una ay hindi gaanong nakahahawa at nagdudulot ng hindi gaanong malubhang sakit.