Pagseselyo ng baril ng mga pulis ngayong Holiday season, ipinauubaya na sa mga PNP unit commander
Ipinauubaya na ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga Director at Commanders ng PNP units ang pagpapasya kung seselyuhan ang baril ng mga pulis ngayong Holiday Season.
Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na naniniwala siyang epektibo pa rin ang paglalagay ng selyo upang maiwasan ang mga insidente ng indiscriminate firing.
Gayunman, nakasalalay na aniya sa mga Director at Local Commanders ang pagpapasya hinggil dito dahil alam na aniya ng mga ito ang kanilang gagawin taun-taon.
Sinabi ni Año na maaari lamang gamitin ng mga pulis ang kanilang baril na may selyo sakaling magkaroon ng engkuwentro laban sa mga kriminal pero hindi pa rin ito gagamitin para sa warning shots.
Matatandang noong nakalipas na taon ay hindi na nilagyan ng selyo ng PNP ang baril ng mga pulis.