Pagsuspinde ng klase at outdoor work tuwing mataas ang temperature,isinulong sa Senado
Isinusulong ni Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel ang otomatikong pagsuspinde sa klase at mga outdoor work kapag pumalo sa pinakamataas na antas ang heat index sa bansa.
Kasunod ito ng babala ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Agency (PAGASA) na maaring makaranas pa ng mas matinding init at maaring pumalo sa 50 degrees ang heat index sa mga susunod na araw.
Ayon kay Pimentel, delikado ang matinding init para sa kalusugan ng tao lalo na sa mga bata.
“Sometimes, kung talagang dangerous ang temperature, dapat no classes na…balik na lang sa online, there’s no need for the learners, students to walk underthe sun,” paliwanag ni Pimentel.
Inirekomenda naman ng Senador na gamitin ang intelligence at discretionary funds ng kalihim ng Department of Education (DepEd) para sa ventilation ng mga classroom.
Bukod sa mga estudyante, dapat rin aniyang ikunsidera na patigilin muna sa trabaho ang mga nasa outdoor tulad ng mga traffic enforcers, mga naglilinis sa kalsada at construction workers.
Pero sinabi ng mambabatas hindi kailangang kaltasan ang kanilang sweldo lalo’t hindi naman araw-araw na nangyayari ito para sa kaligtasan na rin ng mga manggagawa.
Gayunman, paliwanag ni Pimentel na kailangang nakabantay sa magiging advisory ng PAGASA ang anumang hakbang.
Meanne Corvera