Pagsuspinde sa VAT sa panahon ng emergency, isinusulong sa Senado
Nais ni Senador Imee Marcos na suspendihin ang pagpapataw ng Value Added Tax (VAT) sa panahon ng mga kalamidad at national emergency.
Sa kaniyang Senate Bill no. 2320, pinaamyendahan ni Marcos ang national revenue code para mabigyan ng kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte o susunod na Pangulo ng bansa na suspendihin ang pagpapataw ng VAT sa mga produktong petrolyo kapag matindi ang kalamidad at may national emergency.
Sa pamamagitan aniya ng pagsuspinde sa 12 percent na VAT sa mga oil products, maaaring bumaba rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin lalo ngayong marami ang nagsara ng negosyo at nawalan ng trabaho dahil sa epekto ng Covid 19 Pandemic.
Nababahala si Marcos dahil sa kabila ng nararanasang krisis sa ekonomiya, tuloy rin ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Katunayan mula lamang Enero, umabot na sa 13 pesos kada litro ang naging pagtaas sa presyo ng kada litro ng gasoline habang sampung piso ang itinaas ng kada litro ng diesel.
Meanne Corvera