Pagsusuot ng face mask sa indoor public spaces, muling ipatutupad sa California
Muling ipatutupad ng mga awtoridad sa California ang pagsusuot ng mask sa lahat ng indoor public spaces sa pagtatangkang mapigilan ang muling paglakas ng Covid-19.
Ang mandato na magkakabisa bukas (Miyerkoles), ay aplikable sa lahat ng indibidwal bakunado man o hindi.
Ang Los Angeles, San Francisco at iba pang lugar sa California ay muli nang nagpatupad ng pagsusuot ng mask, ilang buwan na ang nakalipas.
Subalit sa iba pang lugar gaya ng Orange County at San Diego na lubhang matao, ay pinamalagi lang ang pagsusuot ng mask sa ilang pampublikong lugar gaya sa mga paliparan, mga ospital at mga paaralan subalit hindi sa mga tindahan, restaurants o cinemas.
Ayon sa Health Secretary ng California na si Mark Ghaly . . . “The rapid rise in Covid-19 cases had prompted the new rule. There had been a 47 percent increase in cases since the Thanksgiving holiday at the end of November.”
Ang bilang ng bagong daily cases ng coronavirus sa California ay tumaas ng 14 per 100,000 mula sa 9.6 per 100,000 sa panahong iyon.
Sinabi ni Ghaly na ang pagsusuot ng mask ay makatutulong na maiwasang maulit ang mataas na rate ng infection at pagkamatay sa nakaraang winter.
Aniya . . . “This is a critical time where we have a tool that we know has worked and can work. As we look at the evidence that masks do make a difference, even a 10 percent increase in indoor masking can reduce case transmission significantly.”
Ang mandato sa pagsusuot ng mask ay tatagal hanggang January 15. (AFP)