Pagsusuot ng PPE ng OFW’s na umaalis ng bansa pinaiimbestigahan ni Senadora Pia Cayetano
Nais paimbestigahan ni Senadora Pia Cayetano ang aniya ay tila discrimination sa mga umaalis na Overseas Filipino Worker.
Sa mga larawang nakuha ni Cayetano nito lamang August 23, 2022 sa terminal 3 ng NAIA , makikita ang mga OFW nakasuot ng Personal Protective Equipment (PPE) na may foot cover habang nakapila sa ticketing at immigration ng paliparan.
Bukod sa nakaPPE naka-gloves pa ang mga ito at nakaface shield na tila nasa isang operating room.
Sinabi ng Senador agad niyang tinanong si Secretary Toots Ople ng Department of Migrant Workers kung ganito ba ang kalakaran pero sabi niya walang ganitong requirements.
Kuwestyon ng Senador, November 2021 pa inalis ang paggamit ng face shield bukod pa ang mga bansang pupuntahan ng mga OFW.
Katunayan batay sa kanyang impormasyon kung pupunta sa UAE, Riyadh, at Kuwait na madalas na destinasyon ng ating mga kababayan, vaccination certificate na lang ang hinihinging requirements at hindi na kasama ang swab test.
Hinala ng Senador, kung hindi ito diskriminasyon baka may rumaraket o nakikinabang at nagsasamantala sa COVID-19 pandemic at pinipilit ang mga OFW para magbayad.
Meanne Corvera