Pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 sa Davao city, hindi dapat ikabahala
Nangunguna ang Davao city sa mga lokal na pamahalaan na may pinakamaraming naitatalang kaso ng Covid-19 nitong mga nakalipas na linggo batay sa monitoring ng OCTA Research group.
Sabi ng grupo, nakapagtala sa lungsod ng 225 bagong kaso ng infection kada araw mula July 11 hanggang 17.
Pero ayon kay Dr. Richard Tesoro Mata, Pediatrician at online health info advocate, walang dapat ikabahala ang publiko maging ang mga residente dahil manageable pa rin ang sitwasyon.
Sa katunayan aniya, maluwag pa ang kapasidad ng mga ospital at facilities sa lungsod at hindi pa puno.
Pinagbasehan aniya ng OCTA ay ang dami ng kaso ng lungsod mula sa isinasagawang massive testing na karamihan naman aniya ay asymptomatic at mild cases lamang.
Maaari ring hindi galing lahat sa Davao city ang mga kaso dahil ang lungsod ay daanan din ng mga nagtutungo sa ibang bahagi ng Mindanao dahil sa kanilang international airport.
Sinabi pa ni Dr. Mata na nitong mga nakalipas na araw ay may nakita n ang bahagyang pagbaba sa mga kaso ng infection kaya hindi dapat mag-panic.
Gayunman, patuloy na ipinatutupad sa lungsod ang mahigpit na health protocol at pag-iingat at gumagawa ng paraan ang lokal na pamahalaan para mapigilan ang pagkalat pa ng sakit.
“Hindi pa naman kami puno, may ICU pa rin, maluwag pa ang facilties namin, ibig sabihin yung maraming kaso yun ay dahil sa massive testing pero karamihan ay asymptomatic at mild cases bagamat may mga naospital. That’s why wala yung fear at takot sa Davao pero precaution pa rin kaya nasa GCQ with heightened restriction kami pero everybody is relaxed at walang kinakatakutang mangyayaring masama. Somehow may nakikita na kaming pagbaba sa mga kaso”.