Pagtaas ng mga kaso sa 14 na mga lugar, maaaring pansamantala lang – OCTA
Sinabi ng OCTA Research Group, na ang pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 sa 14 na lugar sa ilalim ng Alert Level 1, ay maaaring pansamantalang pagtaas lamang.
Ayon kay OCTA Research Group fellow Dr. Guido David . . . “Currently, statistical, it looks like temporary increase only or upticks but we have the right to change our analysis when we see additional data over the next week, our observation might change.”
Sa kaniyang ulat kay Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na nakitaan ng pagtaas sa impeksiyon ang 14 na mga lugar sa nakalipas na linggo.
Bagama’t hindi inisa-isa ni Duque ang mga lugar, tinukoy niya na ang mga rehiyon na may pinakamaraming bilang ng mga bagong impeksiyon ay ang National Capital Region (NCR) na may 606 cases; Region 4-A na may 226 cases; at Region 3 na may 181 cases.
Ang nangungunang mga lugar na may bagong mga kaso ay ang Cavite na may 101; Maynila na may 92; at Quezon City na may 82.
Sinabi ni David na ang pagtaas ay hindi pa naman patungo sa muling pagbugso nguni’t dapat nang obserbahan ng publiko ang proactive at preventive measures at huwag nang hintayin na magkaroon ng surge bago kumilos.
Ayon sa OCTA, may mga lugar na namamalaging mababa ang bilang ng Covid-19 cases.
Sinabi pa ni David . . . “There are places with zero cases for sometime like Eastern Visayas, no new cases for two weeks, also Northern Samar. For Batanes, almost two weeks no new cases reported or Sorsogon.”
Ang mga lugar na nagtatala ng mga bagong kaso ay hindi nagpapahiwatig ng mataas na bilang.
Dagdag pa niya . . . “For example, NCR. The ADAR [average daily attack rate] in NCR is 0.6, less than one, ang baba pa rin niyan, kahit sabihin natin medyo nagpa-plateau [that’s still low, even if we say it’s plateauing], it’s still a very low level, all provinces are still at very low risk for now.”