Pagtaas ng ratings sa survey ni Robredo, ‘turning of the tide’ –spokesperson
Kumpiyansa ang kampo ni presidential candidate at Vice- President Leni Robredo na mas iigting at bibilis pa ang momentum nito hanggang sa araw mismo ng halalan.
Ito ang reaksyon ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez sa pagtaas nito ng siyam na puntos sa pinakahuling pre-election survey ng Pulse Asia.
Pangalawa pa rin si Robredo kay Bongbong Marcos Jr. sa mga pinagpipiliang pangulo sa nasabing survey.
Pero, umakyat sa 24% ang ratings ni Robredo mula sa dating 15%.
Ayon kay Gutierrez, ang survey numbers ni Robredo ay sumasalamin sa matagal na nilang nakikita sa kampanya.
Tinukoy ni Gutierrez ang maraming bilang mga tao sa campaign rallies at ang masidhing passion at commitment ng mga Pinoy na nagsasama-sama para suportahan ang pagtakbo bilang pangulo ni Robredo.
Aniya ang nakikita na ngayon ay “turning of the tide.”
Naniniwala si Gutierrez na sa tulong ng mga ikinasa nilang house to house campaigns at palengke runs upang kumbinsihin ang mga tao na iboto si Robredo ay mananalo ito sa halalan.
Moira Encina