Pagtanggap ng bagong inmates sa Bilibid tigil muna – DOJ
Ititigil muna ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagtanggap ng mga bagong bilanggo sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.
Inanunsyo ni Justice Secretary Crispin Remulla ang moratorium matapos makipagpulong kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. sa Department of Justice (DOJ).
Ipinatawag ni Remulla si Catapang kasunod ng ilang insidente sa Bilibid sa mga nakalipas na araw.
Ayon kay Remulla, ang mga bagong preso ay ilalagay na lamang sa ibang penal colonies ng BuCor sa mga lalawigan gaya sa Sablayan Prison and Penal Farm, Iwahig Prison and Penal Farm, Davao Prison and Penal Farm, San Ramon Prison and Penal Farm, at Leyte Regional Prison.
Layunin din ng hakbang na ma-decongest pa ang Bilibid at hindi na mahawa ng kultura sa loob ng NBP ang mga bagong inmates.
Nakikipag-usap na rin aniya ang DOJ sa Department of Interior and Local Government (DILG) para ang mga sentensyado na hindi lalagpas sa anim na taon ay sa provincial jails na lang ikulong at hindi na sa Bilibid.
Moira Encina