Pagtatag ng joint PNP- CHR Task Force na tututok sa giyera laban sa droga ng Duterte administration, ipinamamadali sa Kamara
Pinamamadali na ni Siquijor Cong. Rav Rocamora ang pagtatag ng joint PNP- CHR Task Force na magpapatibay ng ugnayan ng dalawang panig sa gitna ng giyera laban sa droga ng Duterte administration.
Sinabi ni Rocamora na dapat lamang na maging magkaalyado ang PNP at CHR sa kampanya laban sa krimen at droga.
Ayon sa kongresista na dating prosecutor, mandato ng PNP na tugisin ang mga sangkot sa droga habang ang CHR naman ang dapat na tumiyak na ang bawat operasyon ng PNP ay naaayon sa batas at walang bahid ng pag-abuso.
Sinabi ni Rocamora na kung maitatag agad ang task force ay madaling mapapanagot ang mga abusadong pulis dahil mas mababantayan ang mga ito.
Giit ng kongresista, mahalaga ang papel ng task force dahil ito ang babalanse sa kampanya laban sa droga at magsisilbing safeguard laban sa paglabag sa karapatang pantao.
Hiniling din ni Rocamora na palakasin ang information drive ng PNP human rights affairs office sa mga komunidad para hindi magdalawang isip ang publiko na lumapit sa PNP.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo