Pagtatag sa Department of Disaster Resilience muling ipinanawagan matapos ang sunud-sunod na kalamidad
Nanindigan ang ilang mambabatas sa kahalagahan na magkaroon na ng Department of Disaster Resilience lalo na sa panahon na ito na sunud-sunod ang kalamidad.
Giit ni Surigao del Sur Rep. Ace Barbers, kung magkakaroon ng DDR ay magkakaroon ng malinaw na direksyon tuwing may kalamidad at maiiwasan ang turuan at sisisihan.
Ganito rin ang pananaw nina House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez at TINGOG Party-List Rep. Yedda Marie Romualdez dahil mababawasan o tuluyan nang mawawala ang Bureaucratic red tape na nagiging sanhi ng delay sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad.
Una rito, binuweltahan ni Senate President Tito Sotto si Albay Cong. Joey Salceda dahil sa “unfair”naman aniya ang pagpuna nito sa paggasta ng Senado ng 10 bilyon para sa ipinatatayong New Senate Building sa Bonifacio Global City.
Giit ni Sotto, magkaibang bagay ang isyu sa pinapatayong Senate Building sa isyu ng pagtatag ng DDR.
Ngunit para sa Senado, kahit ipilit pa ng mga Kongresista ay hindi magandang ideya ang DDR at mas marami pang senador ang nagpahayag ng pagtutol dito.
Giit naman ni Senador Sherwin Gatchalian, sa halip na DDR ay mas magandang palakasin ang kapasidad ng mga Lokal na Pamahalaan pagdating sa disaster response para sa mas mabilis na pagtugon sa mga kalamidad.
Ang panukalang pagbuo ng DDR ay isa sa priority measures ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address, agad itong naipasa sa Kamara sa huli at ikatlong pagbasa noong Setyembre sa ilalim ng pamumuno ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano.
Madz Moratillo