Pagtatalaga ng Air traffic control czar , isinusulong sa Kamara
Dapat magtalaga ang Malakanyang ng air traffic control czar para matiyak na maipatutupad ang decongestion ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA at ang relocation ng dagdag pang flights sa Clark International Airport upang maiwasan na maulit ang nangyaring technical glitch noong January 1 na pumaralisa sa air space ng bansa.
Ayon kay House Minority Leader Marcelino Libanan ang air traffic control czar ang mangangasiwa sa commercial flight activity at titiyak na nasusunod ang reschedule flights para malutas ang pagsisikip sa NAIA.
Sinabi ni Libanan dapat mahikayat ang mga airline companies na lumipat sa Clark International Airport at pwedeng i-subsidize ng gobyerno ang kanilang gastusin sa relokasyon.
Una rito ipinanukala na ni Libanan ang paglilipat ng 50-percent ng commercial flight ng NAIA patungo sa Clark International Airport bago sumapit ang 2025.
Inihayag ni Libanan ang decongestion ng NAIA ay naglalayong mapaghandaan ang full recovery ng global air travel dahil tiyak ang pagbiyahe ng mas maraming pasahero matapos ang epekto ng pandemya ng COVID-19.
Sa ngayon ang Clark International Airport ang host ng 18 airlines na nag-o-operate ng 686 weekly flights sa 14 na international destinations at 19 na domestic destinations.
Vic Somintac