Pagtatalaga ng mga selected at malinaw na loading at unloading zone para sa UV Express, dapat munang gawin bago ipatupad ang P2P policy
Matagal nang Point to Point (P2P) ang prangkisa ng mga UV Express kasama ang pagbaba at pagsakay sa loob ng 2 kilometer radius mula sa point of destination.
Pero dahil sa napakaraming paglabag ay inalis ito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng grupong Lawyers for Commuter Protection, kasama ito sa naging kasunduan noon upang hindi maapektuhan ang mga bus at jeep at maserbisyuhan rin ang mga pasahero na hindi naman sa terminal bababa o sasakay.
Naabuso aniya ang nasabing polisiya kung saan ang mga mananakay ng UV express ay ibinababa na kung saan-saan.
Pero sa pagpapatupad ng P2P ay hindi dapat ang mga mananakay ang maapektuhan.
Suhestyon nila, dapat magtalaga ng mga selected loading at unloading zone para sa mga UV express upang hindi naman gaanong magdulot ng inconvenience sa mga mananakay.
Kinuwestyon din ni Inton ang hindi malinaw na pagpapatupad ng loading and unloading area ng lahat ng mga pampasaherong sasakyan gaya ng mga jeep na wala namang mga jeepney stop.
Hindi aniya dapat ang mga commuters ang pumasan sa mga mali at paglabag ng mga drivers.
“Yan ang sinasabi namin, huli tayo ng huli ng mga unloading pero san nga ba dapat? Siguro kailangan natin na tingnan muna kung saan ba dapat magbaba at magsakay at doon tayo magkaroon ng strict enforcement. So if we come up with a policy like this, tingnan mo muna kung ano ang tatamaan. eh ang daming pasaway na drivers pero bakit ang commuter ang tatamaan mo?”.