Pagtatalaga ng Retired Army General sa Philhealth, hindi makabubuti sa ahensya – ayon sa isang Kongresista
Inalmahan ni Bayan Muna Partylist Representative-elect Ferdinand Gaite ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte ng isang retiradong heneral upang maging Presidente ng Philhealth.
Si Retired Army General Ricardo Morales ang bagong Philhealth President na dati namang MWSS Board member.
Giit ni Gaite, maraming beses na napatunayan na hindi epektibo sa pamumuno sa isang ahensya ang isang retiradong opisyal ng AFP o PNP.
Ilang sundalo na aniya ang naalis sa puwesto dahil hindi nagampanan ang mga tungkulin na iniatang sa kanila tulad nila dating PCSO General Manager Alexander Balutan, dating Customs Director General Nicanor Faeldon at dating BOC Chief Isidro Lapeña na ngayon ay TESDA chief.
Maging si Morales ay may iniwang problema sa MWSS tulad ng kakulangan ng tubig bunga ng kapabayaan o incompetence ng ahensya bago ito naitalaga sa Philhealth.
Mistula din kasi aniyang nagagamit ang Civilian bureaucracy bilang reward sa mga dating military officers na maging loyal kay Pangulong Duterte kahit pa hindi sila kwalipikado sa mga ibinibigay na posisyon.
Ulat ni Madz Moratillo