Pagtatanggal sa monument ni Andres Bonifacio sa Pinaglabanan, ikinalungkot ng mga taga-San Juan
Masama ang loob ng ilang taga-San Juan sa ginawang pag-demolish sa bantayog ni Gat Andres Bonifacio sa Pinaglabanan, San Juan.
Sinabi ng mga residente, araw-araw nilang nakikita ang bantayog ni Bonifacio kaya ikinagulat nila nang bigla itong tinanggal.
Para sa mga residente, simbolo ng mga bayani ang bantayog na dapat ipagmalaki sa publiko at hindi dapat itinatago.
Para sa mga taga-San Juan ang monumento ni Bonifacio ay nagsisilbing landmark sa lungsod, at paalala sa mga kabataan sa kabayanihang ginawa ni Bonifacio.
Ayon sa guro sa araling panlipunan na si Ms. Deborah Ferrer mahalaga na nakikita ng mga tao ang monumento ng mga bayani para ipa-alala ang kasaysayan lalo ngayong nalilimitahan na ang mga pagtalakay sa history ng Pilipinas kahit sa mga eskwelahan
Para sa kanya mas maganda na ang monumento ng mga kasaysayan ay nadadaanan at madalas na nakikita dahil kung itatago lamang ito o ilalagay sa museum, mabubura rin ang ala-ala nito sa kaisipan lalo na ng mga kabataan.
Nauna nang inalmahan ni Senador JV Ejercito ang biglaang pagtatanggal sa bantayog ni Bonifacio.
Si Ejercito ang nagpagawa sa bantayog ni Bonifacio noong siya ay alkalde pa ng lungsod bilang pagkilala sa kaniyang kabayanihan sa Battle of San Juan del Monte o Pinaglabanan.
Itinayo rin aniya ang landmark na ito para imulat at buhayin ang damdamin ng publiko sa pagiging makabayan.
“Nawala bigla si Gat Andres Bonifacio sa Pinaglaban Street sa San Juan, ito ay pagbibigay pugay sa ama ng katipunan at rebolusyon, sobra ang lungkot ko ditto,” paliwanag pa ni Ejercito.
Ang bantayog ay ililipat sa harap ng Dambana ng Pinaglabanan na nasa gilid ng San Juan City Hall.
Bukod sa monumento ni Bonifacio, aalisin na rin ang monumento ni Emilio Jacinto na nasa kaliwang bahagi naman ng city hall at ililipat rin sa Dambana ng Pinaglabanan.
Meanne Corvera