Pagtatatag ng Anti-Agricultural Smuggling Court sinimulang dinggin sa Senado
Sinimulan nang dinggin ng Senado ang panukalang batas para magtatag ng Anti-Agricultural Smuggling Court.
Inihain ni Senadora Cynthia Villar ang panukala sa harap ng aniya’y mabagal na pag-usad ng mga kaso laban sa mga nahuhuling smugglers ng mga agricultural products dahilan kaya apektado ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice, inamin naman ng Department of Justice (DOJ) na karamihan sa mga kasong isinampa laban sa kanila ng Bureau of Customs (BOC) ay na-dismiss dahil sa kawalan ng probable cause.
Sa tala ng DOJ, mula 2016 hanggang February 2023, 9 lamang sa 76 na kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Law ang naisampa sa korte dahil sa kakulangan ng matibay na ebidensya.
Pero dismayado si Senador Villar dahil hanggang ngayon, nakabinbin pa rin ang mga kaso sa korte.
Alegasyon ng mambabatas na hindi umuusad o kaya’y nababasura ang mga kaso dahil mismong mga taga-Customs aniya ay kasabwat sa smuggling.
Meanne Corvera