Pagtatatag ng Department of Water, muling ipinanawagan matapos ang malawakang pagbaha sa Luzon dulot ng bagyo
Panahon na para ituloy ang pagtatatag sa Department of Water.
Ayon kay Isabela Governor Rodito Albano III, kung mayroon sanang ganitong Departamento ay meron nang tututok at mangangasiwa sa water resources ng ating bansa.
Kabilang aniya dito ang pangangasiwa sa mga dam.
Ang pahayag na ito ng Gobernador ay kasunod ng malawakang pagbaha dulot ng malakas na bagyong Ulysses na nagpa-apaw sa mga dam at kailugan sa Luzon na nagresulta naman sa matinding pagbaha sa Cagayan Valley region, Marikina city at mga low lying areas sa Luzon.
Kailangan na aniya kasi ang national approach o malawakang pag-aaral upang maharap ang problema sa baha at maiwasan na ang malaking pinsalang idinudulot nito gaya ng nangyari sa Cagayan, Isabela at iba pang mga lalawigan sa Luzon matapos ang bagyong Ulysses.
Disyembre ng nakalipas na taon nang aprubahan ng House committee Government Reorganization at Committee on Public Works and Highways ang panukalang lilikha sa Department of Water Resources (DWR) na pag-iisahin ang lahat ng ahensya na humahawak sa serbisyo ng tubig na titiyak sa ligtas, malinis at abot-kayang suplay ng tubig para sa mamamayan.