Pagtatayo ng Pasig River Expressway, masyado pang maaga para tutulan
Masyado pang maaga para husgahan o tutulan ang itatayong Pasig River Expressway (PAREX) na nagkakahalaga ng P95-billion.
Ito ang naging reaksyon ng environmental think-tank na Pinoy Aksyon for Governance and the Environment (Pinoy Aksyon) sa isang urban planner na nagpapahayag ng pagtutol sa proyekto na inaasahan namang magpapabilis ng biyahe ng mga motorista sa Metro Manila.
Sa isang pahayag, sinabi ni BenCy Ellorin, environmentalist at convenor ng Pinoy Aksyon, hindi pa man tuluyang naisasapubliko ang detalye ng proyekto ay may tumutol na kaagad dito kung kayat nakapagtataka aniya kung ano talaga ang motibo.
Mas makabubuti aniya na sa halip na batikusin ay komprontahin na lamang ng mga ito ang project proponent na San Miguel Corporation upang matiyak na maipatutupad ang planong paglalagay dito ng mass transport system sa pamamagitan ng bus rapid transit, pagkakaroon ng bike lanes, at pagpapanatili at pagpapaganda pa ng mga heritage at historical sites na dadaanan ng project.
“There is also no showing yet in any disclosed documents that certain heritage and historical sites would be destroyed. While the issue of the project covering the Pasig River seems a wild claim,” pahayag ni Ellorin.
Ayon pa sa Pinoy Aksyon, dapat rin aniyang bigyang pansin ang plano ng SMC na gumastos ng P2-billion para sa Pasig River rehabilitation, bus rapid transit at bike lanes. “That definitely is a laudable example of integrating environmental restoration in major infrastructure development projects, dagdag pa ni Ellorin.”
Kaugnay nito, pinuri ng grupo si SMC president Ramon S. Ang sa pagpupurisge nitong matuloy ang pagkakaroon ng bus rapid transit na isang uri ng modern mass transportation system na matagal nang naantala sa pamahalaan.
Ang P95-billion Pasig River Expressway (PAREX) na may habang 19.37 km ay inaasahang magiging isang modelo ng green infrastructure na tumutulong sa environmental rehabilitation sa halip na makasira sa ecosystems ayon pa sa Pinoy Aksyon.
Itatayo ang hybrid highway sa tabi ng Pasig River sa ilalim ng Public-Private Partnership program sa pagitan ng San Miguel Corporation at ng pamahalaan.
Kaakibat ng proyekto ang rehabilitasyon ng Pasig River kung saan ay naglaan ang SMC ng pondong P2 billion upang tanggalin ang nasa 3 million tons ng burak at basura sa ilog upang muling gumanda ang daloy ng tubig at makatulong ring masolusyunan ang mga pagbaha.
Bukod dito, ang Pasig River ay maaari na ring buksan muli para magamit na karagdagang paraan ng transportasyon sa sandaling matapos ang paglilinis dito.
Ang PAREX ay six-lane elevated expressway sa gilid ng ilog mula Radial Road 10 sa Maynila patungong C-6 Road o sa South East Metro Manila Expressway (SEMME) sa Taguig.
Sa sandaling maging operational, pagdudugtungin ng PAREX ang eastern at western cities ng Metro Manila patungo sa Skyway system– na siyang katuparan ng integrated elevated road network na mag-uugnay sa north, south, east, at west corridors ng NCR.
Bukod sa rehabilitasyon ng Pasig River, sinabi ni Ramon Ang na kaakibat ng proyekto ang integration ng green architecture principles at multiple modes of transportation kung kayat ang PAREX ay matatawag na isang inclusive infrastructure project na pare-parehong pakikinabangan ng mga pedestrians, motorists, cyclists, at maging ng environment.
Paliwanag pa ni SMC president Ramon Ang, ang PAREX ay hindi lamang mag-aaccommodate ng mga motor vehicles dahil ilalagay rin dito ang Bus Rapid Transit (BRT) system na magagamit ng mga commuters sa buong Metro Manila para sa komportable, ligtas, at reliable transportation.
Ilalagay rin sa expressway ang dedicated bike lanes upang mahikayat ang publiko na subukan ang mas healthy at environment friendly na paraan ng personal transportation, bukod pa sa pedestrian walkways para sa mga nais maglakad o mag-exercise.
“This pioneering green infrastructure, a brainchild of SMC and its president Ramon Ang is too good to pass up and could be model for subsequent development projects,” ayon pa kay Ellorin.