Pagtestigo ni Special Asst. to the President Bong Go, tinututukan ni Pangulong Duterte
Kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sinusubaybayan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagharap ni Special Assistant to the President Bong Go sa Senado kaugnay ng Frigates deal ng Philippine Navy na nagkakahalaga ng 15.7 bilyong piso.
Inatasan mismo ng Pangulo si Secretary Go na humarap sa Senado para malaman ang buong katotohanan sa paratang ni Senador Antonio Trillanes na may anumalya sa frigates deal.
Sinabi naman ni Presidential Communications secretary Martin Andanar na nagkakaisa ang miyembro ng gabinete na suportahan si Secretary Go sa pagharap sa Senate committee on Defense and Security.
Ayon kay Secretary Andanar, All for one, One for All sila para malaman ang katotohanan sa Frigates deal na inaprubahan noon pang panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Bukod kay Andanar, kabilang sa mga Cabinet officials na sumama kay Secretary Bong Go sa Senado ay sina Labor secretary Silvestre Bello III, Cabinet secretary Leoncio Evasco, Foreign affairs secretary Alan Peter Cayetano, Political adviser Francis Tolentino at Communications assistant Secretary Mocha Uson.
Inihayag naman ni Secretary Go na isa lang ang bilin ni Pangulong Duterte sa kaniya ang sabihin ang buong katotohanan.
Ulat ni Vic Somintac
=== end ===