Pagtutok ng thermal gun sa noo ng tao, walang masamang epekto sa utak, ayon sa isang Neurologist
Walang masamang epekto sa kalusugan ng tao ang paggamit ng thermometer gun.
Ito ang naging paglilinaw ni Dr. Erman Fandialan, Neurologist, Asst. Professor at Director of Education Training and Research sa UERMMMC at Our Lady of Lourdes Hospital.
Sa panayam ng radyoagila.com, sinabi ni Dr. Fandialan na walang taglay na radiation ang Thermo gun kaya ligtas itong itutok sa noo o sa alinmang bahagi ng katawan ng tao upang makuha ang body temperature.
Gayunman, batay din sa pag-aaral, mas makukuha aniya ang akmang core body temperature kung sa noo itututok ang thermo gun kumpara sa ibang parte ng katawan.
Dr. Erman Fandialan, Neurologist:
“Nagkaroon kasi ng pag-aaral dyan na ikinumpara ang Core body temperature. Lumalabas na mas malapit o akma ang nakukuhang body temperature kung sa noo o forehead ito itututok kumpara sa ibang parte ng katawan.
“Hindi tama ang naipalabas na Vlog sa social media na kapag itinutok sa noo ay magkakaroon ng Neurological damage dahil ang function ng thermal gun ay hindi naglalabas ng radiation sa halip ay kinukuha nito ang thermal radiation ng isang bagay. Sa case ng mga tao, kinukuha nito ang thermal radiation ng ating katawan at kino-convert sa electro-magnet at yun ang binabasa ng thermal gun., kaya walang radiation na lumalabas sa thermal gun”.
Ginawa ni Dr. Fandialan ang paglilinaw matapos mag-viral sa social media ang isang video at artikulo na ang madalas na pagtutok sa noo ng thermo gun ay maaaring magdulot ng pinsala sa utak ng tao at maka-apekto sa ating memorya at emosyon.