Pagtuturo sa isang unibersidad sa Hong Kong, tinanggap ni Jack Ma
Inanunsiyo ng isang nangungunang unibersidad sa Hong Kong, na ginawang honorary professor of business sa kanilang paaralan si Jack Ma, ang founder ng Chinese tech giant na Alibaba.
Ang appointment ay nangyari ilang linggo matapos ang bihirang pagpapakita ni Jack Ma sa publiko, kasunod ng kaniyang pagbagsak nang magsagawa ng isang government crackdown ang China sa tech industry, dalawang taon na ang nakalilipas.
Namalaging low profie si Ma simula sa huling bahagi ng 2020, nang ang kaniyang talumpati na umaatake sa Chinese regulators ay sinundan ng Beijing ng pagpigil sa nakaplanong initial public offering o IPO ng Alibaba affiliate na Ant Group.
Kalaunan ay pinatawan ang Alibaba ng “record fine” na $2.75 billion para sa umano’y unfair business practices.
Ayon sa University of Hong Kong, tinanggap ni Ma ang isang honorary professorship mula sa kanilang business school.
Sinabi ng isang tagapagsalita para sa institusyon, “We welcome Ma’s rich knowledge and experience in business innovation and development.”
Ang professorship ay may tatlong taong termino na matatapos sa March 2026.
Ang website ng eskuwelahan ay mayroon na ngayong profile ni Ma kung saan naka-highlight ang kaniyang espertise sa “management and strategy.”
Noong 2018, si Ma ay pinarangalan ng kaparehong unibersidad ng isang honorary doctorate.
Gayunman, ayon sa South China Morning Post, isang Hong Kong-based English-language newspaper na pag-aaring buo ng Alibaba, na si Ma ay walang “planong magsagawa ng public lectures o speeches.”
Nakasaad sa pahayag ng Jack Ma Foundation, isang charitable organisation na itinatag ng bilyonaryo noong 2014, “after a hiatus from the world of education, Mr. Ma looks forward to returning to campus life.”
Si Ma ay dati nang nagturo ng English sa loob ng walong taon sa Hangzhou Dianzi University sa eastern Chinese province ng Zhejiang, bago niya inilunsad ang Alibaba.
Itinatag din niya noong 2015 ang centre for entrepreneurship sa Zhejiang kasama ng ilang Chinese business heavyweights.
Ang naturang institusyon ay orihinal na tinawag na Hupan University subali’t noong 2021, ang terminong “university” ay ipinatanggal sa gitna ng sigalot ni Ma sa Chinese authorities.
Si Ma ay nakita sa ilang mga lugar sa buong mundo sa nakalipas na dalawang taon, gaya sa Spanish island ng Mallorca, at napaulat din na matagal-tagal itong nanirahan sa Japan noong 2022.
© Agence France-Presse