Pahayag ni dating Pangulong Duterte na patayin ang mga senador, handang paimbestigahan ng DOJ sa NBI

0
REMULLA

Maaaring imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) motu proprio o kahit walang pormal na reklamo, ang tila pagbabanta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa proclamation rally na patayin ang mga senador para maraming mabakante at makapasok ang mga pambato ng PDP- Laban sa darating na eleksyon.

Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, “Motu proprio, the NBI can look at that. Motu proprio, but tingnan natin. We’ll see.”

Pero naniniwala si Remulla na hindi dapat patulan ang lahat ng sinasabi ng dating presidente, batay na rin sa mga pagsasalita nito sa mga nakaraan.

Aniya, “Alam niyo naman sometimes we’re used to the language of the former president. Sanay tayo. Hindi naman lahat ng sinasabi niya tatalon tayo, diba?”

Sinabi pa ng kalihim, na iba ang pahayag ng dating presidente sa sinasabing pagbabanta ng anak nito na si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Remulla, “Specific kasi yung kay Sara. Specific, ni name niya si presidente, si first lady, at saka si speaker Martin Romualdez na kaniyang bibigyan ng motibo.”

Ipauubaya ni Remulla kay NBI Director Jaime Santiago ang pagpasya kung iimbestigahan ang kill remark ni dating pangulong Duterte, at hindi na siya mag-iisyu ng pormal na kautusan.

Gayunman, handa aniya ang NBI na imbestigahan ang usapin kung may mga senador na humiling o maghain ng reklamo.

Ani Remulla, “If the senators themselves complaint then we will have reason to act on that. Sila yung ano eh, sila yung endangered ng ganoong statement eh. It can possibly have a ripple effect na di natin alam.”

Samantala, tiniyak ni Remulla kay VP Sara na bibigyan ito ng DOJ panel of prosecutors ng mga pagkakataon para sagutin ang mga reklamong inciting to sedition at grave threats.

Dahil dito, umaasa ang justice secretary na lalahok ang bise-presidente sa imbestigasyon at pagdinig ng DOJ.

Aniya, “Due process and justice. Hindi naman tayo umaakto ng hindi ayon sa batas, due process is the most important. Sana she takes advantage of the fact that she’s given a chance to explain.”

Moira Encina-Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *