Pahayag ni Pangulong Duterte na ipapaaresto ang ICC kung magsasagawa ng imbestigasyon sa bansa, may basehan-Sec. Tolentino
May basehan ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipakukulong niya ang mga opisyal ng International Criminal Court o ICC na magsasagawa ng imbestigasyon sa mga police operation ng Pilipinas.
Sa panayam ng Saganang Mamamayan, sinabi ni Presidential Adviser for Political Affairs Secretary Francis Tolentino na ang hakbang na ito ng ICC ay pangingielam sa pamamalakad ng Pambansang Pulisya at ng hurisdiksyon ng bansa.
Ang preliminary examination ay gagamitin umano ng ICC upang matukoy kung may basehan ba para isulong ang imbestigasyon sa mga umano’y paglabag sa karapatang pantao bunsod ng war on drugs ng Duterte administration.
Binigyang-diin ni Tolentino na buhay ang hudikatura sa bansa at gumagana ang Justice system sa Pilipinas kaya walang basehan para mag-imbestiga ang ICC.
“Ang ICC ay nakabase sa isyu ng Complimentarity. Kung walang gumagalaw na investigating unit sa Pilipinas, walang hudikaturang kumikilos ay saka lang sila pwedeng pumasok, Buhay naman ang ating prosecution service, buhay din ang ating hudikatura eh yun ang unang may jurisdiction. So maliwanag na magiging panghihimasok ito at ito siguro ang naging basehan ng ating mahal na Pangulo na mali yung pumunta rito at pwede niyang ipaaresto”.