Pahintulot sa mga menor de edad na makapasok na sa mga mall, ipinauubaya ng Malacañang sa LGUs
Nasa kamay na ng mga Local Government Units o LGU’S ang pagbibigay ng pahintulot sa mga menor de edad na makapasok sa mga shopping malls habang nasa ilalim ng General Community Quarantine o GCQ ang kanilang lugar.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na napagpasyahan sa huling pulong ng Inter Agency Task Force o IATF na ipaubaya sa mga LGU’S ang pagbibigay ng pahintulot sa mga menor de edad na makapasok sa mga shopping malls basta kasama ang kanilang mga magulang o guardian.
Ayon kay Roque sa National Capital Region o NCR bahala ang Metro Manila Council na magpatibay ng ordinansa na siyang magiging guidelines para pahintulutan ang mga menor de edad na makapasok na sa mga shopping mall lalo na ngayong holiday season upang makapagbonding ang pamilya basta sundin ang mga ipinatutupad na standard health protocols.
Ang kahilingan na pahintulutan na ang mga menor de edad na nasa pitong taong gulang pataas na makapunta sa mga Malls ay ipinanukala mismo ni Department of Trade and Industry o DTI Secretary Ramon Lopez sa IATF sa layuning lalo pang pasiglahin ang ekonomiya ng bansa na nalugmok dahil sa pandemya ng COVID 19.
Vic Somintac