Paksyon ng PDP-Laban, nagsagawa ng virtual meeting; National convention, tuloy sa Setyembre
Tuloy ang National Convention ng isa pang paksyon ng PDP-Laban sa Setyembre na nasa ilalim ng liderato ni Senador Manny Pacquiao.
Ito ang kinumpirma ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel.
Nanindigan si Pimentel na iligal at hindi nila kinikilala ang ginawang eleksyon at pagtatalaga ng mga bagong lider ng partido na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi.
Sa isang virtual meeting sa grassroots level ng PDP-Laban, sinabi ni Pimentel na tumatayong Executive Vice-President sa mga kapartido na dumadaan sila ngayon sa pagsubok.
Pero ang mahalaga aniya ay nananatili silang nagkakaisa, malakas at naniniwala sa liderato ni Pacquaio.
Sinabi ni Pimentel na sa naturang pulong, kinondena naman ng kaniyang mga kapartido ang ginawang hakbang ng grupo ni Cusi na dinaluhan pa ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi aniya sang-ayon ang mga miyembro sa hakbang dahil ang pagtatalaga ng mga lider ay binoboto ng mayorya at hindi ng ilang pulitiko lamang.
Aminado naman si Pimentel na nasaktan siya sa mga banat ng Pangulo na tinulungan nila para manalo noong eleksyon 2016.
Pero desidido aniya silang ipaglaban ang karapatan ng mga nasa grassroots level ng partido.
Meanne Corvera