Palasyo, sasailalim sa Precautionary disinfection at decontamination ngayong araw
Iisa-isahin ang Heroes hall, Rizal hall, Study room, pinagdarausan ng Cabinet meeting at iba pang kwarto sa Malakanyang para i-disinfect.
Ito ang kinumpirma ni Col Jesus Durante ang Commander ng Presidential Security Group sa kabila nang pagkabahala ng maraming empleyado kawani at iba pang tauhan sa Malakanyang matapos malamang nag self-quarantine na ang ilang gabinete na nakapulong ng Pangulo kamakailan matapos silang ma-expose sa isang confirmed COVID-19 patient.
Ayon kay Durante gagawin ang disinfection regularly upang hindi na kumalat pa ang virus.
Sa ngayon, walang lockdown na ipinatutupad sa Palasyo at sa katunayan ay may pasok ang mga empleyado.
Payo ni Durante sa mga empleyado na kung ididisinfect ang kanilang area ay kailangan muna nilang lumabas at makalipas ang isang oras ay maaari na silang bumalik sa trabaho o ika nga nila “business as usual”.
Sinabi din ni Durante na maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay magtatrabaho pa rin ngayong araw sa kabila ng banta ng Covid 19.
Mas magiging maingat lamang sila sa ipatutupad na seguridad sa Pangulo at paiiralin ang No Touch policy.
Mahigpit din nilang i-aassess ang mga pagtitipon o public engagement na dadaluhan ng Pangulo upang di malagay sa alanganin ang kalusugan nito.
Ulat ni Vic Somintac