Palau wala na sa virus-free status
KOROR, Palau (AFP) – Hindi na kabilang ang Palau sa mga bansang virus-free, matapos maitala ang kauna-unahan nilang kaso ng COVID-19.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang Palau ay isa sa labing-apat na mga bansang walang naitalang virus cases.
Dalawang biyahero na nagpositibo matapos dumating sa Palau galing sa Guam, ang isinailalim na sa quarantine kasama ang mga naging contact nila.
Pinayuhan naman ng Ministry of Health ang mga mamamayan na manatiling kalmado, matapos magdesisyon na hindi magpapatupad ng lockdown.
Ayon sa Health Ministry, hindi nila masabi kung ilan sa mga naging contact ang naka-isolate subalit ayon sa isang tagapagsalita, hindi sila naniniwala na may community transmission.
Ang infected travellers ay nagnegatibo 72 oras bago ang kanilang departure, ngunit nagpositibo nang sumailalim sa compulsory test limang araw makaraang dumating sa Palau.
Hindi pa mabatid ng mga awtoridad kung anong strain ng coronavirus ang naitala nilang kaso, subalit naipadala na ang sample sa US para maanalisa.
Dahil higit 80% na ng 18,000 populasyon ay fully vaccinated na, kaya iginiit ni President Surangel Whipps na . . . “Our remote island state has been COVID-free but is now COVID-safe.”
Ang Palau na nasa 1,000 kilometro o 600 milya sa silangan ng Pilipinas, ay isa sa iilang mga bansa na nakaiwas sa COVID-19 matapos agad na isara ang kanilang borders nang unang lumitaw ang virus, sa kabila ng malaking epekto nito sa kanilang turismo.
Sa pagtatangkang muling mapatakbo ang kanilang ekonomiya, binuksan ng Palau ang isang quarantine-free travel bubble sa mga taga Taiwan noong Abril.
Gayunman, isang buwan makalipas ay muli silang nagsara, matapos makaranas ang Taiwan ng biglang pagtaas sa bilang ng mga kaso at nag-reopen nitong nakalipas na linggo para sa sinumang unvaccinated tourists, na magpapabakuna pagdating sa kanilang bansa.
Agence France-Presse