Palestinian Olympian nagsuot ng polo sa Paris Olympics opening ceremony, na nagpapakita ng mga batang biktima ng pambobomba
Nagsuot ng polo na nagpapakita sa mga batang binobomba, ang Palestinian boxer na si Waseem Abu Sal sa opening ceremony ng Paris Olympics, bilang hamon sa organisers na may mahigpit na panuntunan tungkol sa political statements.
Si Abu Sal ay isa sa dalawang flag-bearers para sa Palestinian delegation sa ginanap na river parade sa kahabaan ng River Seine noong Biyernes.
Ang puti niyang polo ay may nakaburdang mga larawan ng warplanes na naghuhulog ng missiles sa mga batang naglalaro ng boksing.
Sinabi ni Abu Sal, “This shirt represents the current picture in Palestine. The children who are martyred and die under the rubble, children whose parents are martyred and are left alone without food or water.”
Hindi bababa sa 39,258 katao, na karamihan ay mga babae at bata, ang namatay sa Gaza simula nang maglunsad ang Israel ng isang military campaign bilang ganti sa October 7 attack ng Hamas militants, ayon sa mga bilang mula sa Hamas-run health ministry.
Batay naman sa isang AFP tally na nakabase sa opisyal na Israeli figures, ang October attack na nag-udyok ng giyera ay nagresulta sa pagkamatay ng 1,197 katao, na karamihan ay mga sibilyan.
Sinabi ni Jibril Rajoub, presidente ng Palestine Olympic Committee, na nakipag-ugnayan sila sa local organising committee ng Paris Olympics upang malaman kung ang polo ni Abu Sal ay labag sa Olympic regulations.
Ayon kay Rajoub, “It’s a message of peace. It’s a message to attract attention. “This is anti-war, against killing. This abides with the Olympic Charter. We presented it, they approved it.”
Ipinagbabawal ng International Olympic Committee (IOC) ang political statements sa panahon ng sports events at sa panahon ng opening at closing ceremonies, subalit malaya ang mga atleta na magpahayag sa mga press conference at social media.
Sumulat ang Palestine Olympic Committee sa IOC noong isang linggo para pagbawalan ang mga atleta ng Israel na lumahok sa July 26-August 11 Paris Olympics, subalit tinutulan ito.
Sinabi ni Rajoub na ang IOC president na si Thomas Bach, na isang German, ay may “good intentions” pero nanawagan siya rito na umaksiyon.
Aniya, “It’s the time to take sanctions against those who are violating (the Olympic Charter). The double standard policies is not good for the message of sport, or those who have good intentions. Not to take sanctions against Israel is part of the legacy of Europe and their crimes,” na ang tinutukoy ay ang Holocaust noong World War II.
Sinabi niya na hindi siya magpapalabas ng anumang instructions sa maliit na sport delegation ng Palestine sa Paris na binubuo lamang ng walong katao, sakaling sinuman sa mga ito ang kailangang mag-compete laban sa katunggaling Israel.
Sa mga nakalipas, ilang Arab athletes ang piniling umatras kaysa lumaban sa mga Israeli.
Ayon kay Rajoub, “We want to expose the suffering of our people, their legal, legitimate ambitions, through the athletes, through the Games, according to the Olympic Charter.”
Ang 20-anyos na boxer na si Abu Sal, ay tumanggap ng isang wildcard para sa Olympics boxing.
Nakatira siya sa West Bank at hindi nagawang magsanay kasama ang kaniyang Cairo-based coach, isang Gazan na hindi naman makabiyahe para siya ay puntahan dahil sa Israeli restrictions.