Pamamahagi ng ayuda sa Maynila, natapos na
Inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Maynila na nakumpleto na nila ang pamamahagi ng ayuda, o financial assistance mula sa national government para sa kababayan nating naapektuhan ng ipinatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Re Fugoso, lahat ng 380,820 target beneficiaries sa lungsod ay tumanggap ng 4,000 piso bilang cash assistance.
Ang pamamahagi aniya ng ayuda ay tumagal ng 16 na araw, o mula noong Agosto 11 at natapos kagabi.
Aabot sa mahigit P1.5 bilyong piso ang kabuuang halaga na ipinamahagi ng MDSW sa mga benepisyaryo mula sa 6 na distrito sa lungsod at transport groups at vulnerable groups sa lungsod.
Ang MDSW ang ahensya na inatasan upang mamahagi ng ECQ ayuda.
Matatandaang nagkaroon pa ito ng isyu matapos sabihin ng Pangulong Duterte na hindi nito bibigyan ng awtoridad ang isang Metro Manila Mayor para mamahagi ng ayuda.
Bagamat walang binanggit na pangalan, ang mga deskripsyon naman nito ay tumugma kay Manila Mayor Isko Moreno.
Ang mga pasaring ng Pangulo sa Alkalde ay nagsimula matapos umugong ang pangalan nito bilang posibleng kandidato sa 2022 Presidential elections.
Madz Moratillo