Pamilya Marcos hinamon ni Speaker Alvarez na ibalik ng buo ang sinasabing kwestyunableng yaman nito
Hinamon ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang pamilya Marcos na ibalik ng buo ang sinasabing kwestyunableng yaman nito.
Ginawa ni Alvarez ang pahayag kasunod ng anunsyo ni Pangulong Duterte na bukas umano ang mga Marcos na ibalik sa gobyerno ang bahagi ng kinukwestyon nilang yaman.
Ayon kay alvarez, magandang development ito pero sana hindi kakapiraso ang ibabalik sa gobyerno.
Aminado naman ang Speaker na mahirap masabi kung magkano ang kabuuang nakaw na yaman na dapat isauli ng pamilya Marcos.
Si Akbayan Rep. Tom Villarin naman duda sa sinasabing kahandaan ng pamilya Marcos na ibalik sa gobyerno ang kinukwestyon nilang kayamanan.
Kasabay nito, iginiit ng Kongresista na kailangang ibalik ng mga Marcos ang kanilang nakaw na yaman nang walang kundisyon lalong lalo na ang immunity sa criminal prosecution.
Ulat ni: Madelyn Villar- Moratillo